On Peace and the Bangsamoro – How the UP Graduate Can Advocate for Peace and Excellence

Author’s note: I am gradually posting all the speeches I had the opportunity to deliver in various events from the first half of 2015. This was the most difficult speech I had to deliver.

Theme: How the UP Graduate Can Advocate for Peace and Excellence

Joint convocation of the three honor societies of the University of the Philippines: Phi Kappa Phi, Phi Sigma, and Pi Gamma Mu

Delivered in behalf of Phi Kappa Phi

20 April 2015

(Non-verbatim transcript)

Sa mga opisyal ng mga honor society na narito ngayon: ang Phi Kappa Phi, Pi Gamma Mu, at Phi Sigma, sa iba pang mga tagapagsalita at opisyal ng Unibersidad ng Pilipinas, at sa aking kapwa mga mag-aaral na binibigyang-pugay ngayon, magandang hapon sa inyong lahat! Sumaatin nawa ang kapayapaan at pagpapala ng Mapagmahal na Panginoon.

Dalawang buwan na lang mula ngayon, makakamit na natin ang ating pinag-sumikapan at pinaghirapan sa loob ng siguro’y higit pa sa apat o limang taon dito sa kolehiyo. Sa wakas, maisusuot na natin ang sablay, makakapagpa-picture na tayo kasama ang Oblation at mga sunflower, at masasabi natin sa ating sarili: “I survived UP!”

Subalit, kasabay ng ating pagtatapos ang paglisan mula sa Unibersidad ng Pilipinas at pagharap sa panibagong hamon ng buhay. Marami sa atin ang kailangan nang magtrabaho nang full-time para makatulong sa mga gastusin sa pamilya at makapag-ipon. Patuloy namang mag-aaral ang iba sa atin sa mas mataas na antas o kurso tulad ng medisina, abogasya, edukasyon, siyensya, pamamahala, atbp. Pinapangarap natin ngayon, na sa pagdaan ng panahon, matatamo natin ang mga personal at propesyunal na layunin, ang kagustuhan ng ating mga mahal sa buhay, at ang ating mga adhikain para sa bayan at sa ating mga kababayan. Sa puntong ito, hawak natin ang ating kapalaran. Tayo ang susulat sa mga pahina ng ating kwento. Nasa kamay natin kung ipagpapatuloy man o hindi ang tagumpay na ating natatamasa ngayon.

Sa lahat ng ating gagawin, ipagpatuloy natin ang tradisyon ng dunong at galing. Paghusayan natin sa anumang karera na ating papasukin. Pero kailangan ay hindi lang galing sa isip, kundi galing din sa budhi o konsensiya. Ngayon pa lang, tinitingala na tayo bilang susunod na mga lider ng ating henerasyon. Paano pa kaya kung ipinagkatiwala sa atin ang kapangyarihang pamunuan ang ating bayan? Mahalagang tanggapin natin ang hamong maging tapat na lingkod sa lahat ng mga Pilipino. Nasa pamahalaan man tayo o hindi, tutulan at iwasan natin nang walang pag-alinlangan ang mga gawing tinutuligsa natin ngayon. Huwag tayong matakot na ibalita ang mga mali sa sistema. Tandaan na dala natin hindi lang ang sariling pangalan kundi pati ang pangalan ng ating minamahal na Unibersidad ng Pilipinas.

Matatayog pa ang ating mga pangarap. Sa pagsuot ng ating sablay at sa pag-abot sa atin ng ating mga diploma, palapit na tayo ng palapit sa mga pangarap na dati’y hinuhulma lamang natin sa ating mga isipan. Mas maliwanag na para sa atin ang tatahaking landas.

Subalit, para sa marami sa ating mga kababayan, nagdilim na ang daan tungo sa hinahararap.  Kasama po diyan ang ating mga kababayang nasasadlak sa kahirapan. Hindi na nila kayang tustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan at ang pagtaguyod sa kinabukasan ng kanilang mga anak. Paano pa kaya kung araw-araw kinakatakot nilang mawawasak na ang mundong kanilang kinagisnan? Kung saan hindi sila makabalik sa kanilang mga tahanan sa takot na baka malagay sa panganib ang kaligtasan nila at kanilang mga anak? Kinamkam na nga mula sa kanila ang pagkakataong mangarap at umunlad, pilit pang inaagaw sa kanila ang pagkakataon tungo sa kapayapaan.

Noong 2012, lumagda ang pamahalaan at ang Moro Islamic Liberation Front o MILF sa Framework Agreement on the Bangsamoro, na sinundan pa ng ibang mga kasunduan, kabilang na ang para sa decommissioning o pagbubuwag sa hukbo ng MILF noong Enero 2014. Tila abot-kamay na ang kapayapaan nang mangyari ang trahedya sa Mamasapano. Simula noon, nagkaroon na ng pag-aalinlangan sa pinapanukalang Bangsamoro Basic Law at sa bisa ng prosesong pangkapayapaan. Ang ilan nga sa ating mga namumuno, tila ginagamit ang kawalan raw ng tiwala at ang paggamit ni Ginoong Mohagher Iqbal chief negotiator ng MILF ng alias o ibang pagkakakilanlan para buwagin na ang kasunduan. Oo, dapat may managot sa pagkamatay ng 44 kasapi ng PNP Special Action Force at sa iba pang mga biktima ng diumano’y “misencounter” noong Enero 25, 2015. Pero kailangan bang madiskaril ang prosesong pangkapayapaan dahil dito? Ano ang magiging resulta kung babalik ang lahat sa all-out war? Walang mananalo, sa halip, talo tayong lahat: ang mga kababayan nating Moro, mga Kristiyano, at mga lumad sa Mindanao at lahat ng Pilipino, pati tayong naririto ngayon. Hindi makakamit ang kapayapaan gamit ang karahasan; bagkus, sasapit lamang ito sa pamamgitan ng pang-unawa.

Mga kapwa kamag-aral, laban rin natin ang pagsisikap ng ating mga kababayang nasasadlak sa kaguluhan na manatiling buhay sa kabila ng karahasan at digmaan. May paniniwala ang ating mga kababayang Aeta na hindi mo pwedeng sabihing gumiginhawa ang buhay mo kung nakikita mong nahihirapan ang iyong kapwa. Pero hindi pa huli ang lahat. May magagawa tayo. Tila imposible, lalo na’t bata pa lang tayo. Sabi nga ng mga nakatatanda, sila pabalik na habang tayo’y papunta pa lang. Pinalad tayong makapagtapos mula sa pinakaprestihiyosong unibersidad sa buong Pilipinas. Maraming bintana ng oportunidad ang bukas sa atin, at mataas ang pagkakataong makamit natin ang minimithing tagumpay. Pero kaakibat ng pagiging UP graduate, responsibilidad nating ipagalaban ang karapatan ng ating mga kababayan tungo sa ligtas at maginhawang kinabukasan. Nasa ating mga kamay na palawakin ang kanilang mga opsyon tungo sa mas maunlad na buhay.  Bilang iskolar ng bayan, ipinagkatiwala sa atin ang kapangyarihan  para makisangkot sa prosesong pangkapayapaan, para maiparinig sa ating mga pinuno ang pagtutol sa patuloy na paghahari ng lagim, at para itaguyod ang tunay na tiwala at kooperasyon tungo sa kapayapaan at kaunlaran.

Nagawa nga nating higitan pa ang ating mga hangganan at limitasyon habang tayo’y nasa loob ng Unibersidad. Ngayon naman, higitan natin ang ating magagawa para sa Pilipinas, tungo sa kabutihan, kapayapaan, katarungan, at kaunlaran. Ano pa’t tinawag tayong Iskolar ng Bayan kung hindi natin pagsisilbihan ang mga mamamayang naging dahilan kung bakit tayo narito lahat ngayon? Itaguyod natin sa ating personal at propesyunal na buhay ang pagtatayo ng mapayapa at sumusulong na lipunan, kung saan maaari nating makamit ang ating mga personal na pangarap at maaari ring makamit ng mga kababayan nating nasasadlak sa kaguluhan ang kanilang mga adhikain. Mga kapwa kong magsisipagtapos, iparinig natin ang ating mga tinig. Ipaglaban natin ang kasunduang pangkapayapaan tungo sa katarungan, tungo sa kaunlaran!

Wika nga ni Bb. Norombai Utto, nagtapos na valedictorian sa Hji. Salik National High School sa Mamasapano, Maguindanao, gawin nating pundasyon ang kaalaman at karunungan para sa kapayapaan ng ating bayan. Tulungan nating bigyan ng pagkakataon ang mga tulad niya para sa maginhawa at maliwanag na kinabukasan. Dahil karapatan nang bawat isa sa atin ang mamuhay nang malaya at mapayapa ano man ang ating paniniwala. Noong isang taon, isa ako sa inatasan sa induction ng Phi Kappa Phi na sindihan ang kandila na sumisimbolo sa pagkakaisa. Ngayon at sa hinaharap, sama-sama nating sindihan ang ilaw tungo sa pagkakaisa at kapayapaan hindi lamang para sa iilan kundi para sa buong sambayanan.

Maraming salamat po sa tiwalang ibinigay niyo sa akin na makapagsalita ngayong hapon at sa inyong pakikinig. Nawa’y isabuhay natin ang kabutihan at kapayapaan! Mabuhay tayong lahat!

Further reading:

* Framework Agreement on the Bangsamoro including links to annexes, 2012

House Bill No. 5811, substitute bill of House Bill No. 4994 (draft Bangsamoro Basic Law) in the House of Representatives

* GMA News (Marrian Ching), “Valedictorian from Mamasapano tearfully pleads: Invest in education, not war“, 30 March 2015