Youth Response to “Securing the Country’s Future: A Summit for Change”

Delivered 22 July 2015

To former Chief Justice Reynato Puno, former Secretary Jun Enriquez of Budget and Management and of Finance, sa mga bumubuo ng Bagong Sistema, Bagong Pag-asa Movement, to the individual and organizational participants of today’s summit, to the different sectors, isang malaya, mapayapa, at magandang hapon sa ating lahat.

Buong kababaang-loob ko pong ikinararangal ang mapiling magsalita para sa kabataan sa pagtatapos ng summit ngayong hapon. Pero batid ko pong kasama sa karangalang ito ang dalawang tungkulin – ang tungkuling kilalanin at suriin ang hakbang na dapat gawin at ang tungkuling hikayatin ang kabataang Pilipino na yakapin ang nararapat na hakbang at ang mga kaakibat nitong responsibilidad.

Nakasalalay ang kinabukasan ng Pilipinas at lahat ng Pilipino sa summit na ito at sa lahat ng kilos para maisakatuparan ang napagkasunduan ngayong hapon. Sana’y malinaw sa ating mga kalahok ang dapat gawin: ipanawagan sa Pangulo, sa Kongreso, at sa ating bayan na napapanahon na ang pagpupulong ng isang kumbensyon o con-con para baguhin ang Konstitusyon ng Pilipinas. Para sa aking kapwa kabataan, alam ba natin na merong ganitong pagtitipon ngayon? Aaminin ko, kung hindi ako naimbitahan ng aking kaibigang si Jerome dela Cruz na magsalita, hindi ko malalaman na meron palang kilusan at ganitong summit. Palakpakan po natin siya. At medyo kinabahan ako nang malamang pagbabago pala ng Saligang Batas ang nais ng Bagong Sistema, Bagong Pag-asa Movement. Pero sa huli, hindi tayo dapat matakot na yakapin ang pagbabago, kung ito ang unang hakbang tungo sa ikauunlad ng ating bansa at ng ating mga kababayan.

Alam kong hindi basta-bastang aklat lamang ang hawak ko ngayon [raise the 1987 Constitution]. Bagkus, mahalaga ang ating Saligang Batas dahil dito nag-uugat hindi lamang ng istruktura ng ating pamahalaan kundi ng buong lipunan. Sa kanya nakasalalay ang mga kalayaan ng bawat Pilipino, at siya ang nag-aatas ng mga batas at mga adhikaing dapat isakatuparan ng ating Estado. The Constitution is the fundamental and supreme law of the land, an expression of the people’s will as sovereign, and defines not only the balance of power in government but also the arrangement and aspirations of society.

In fairness to our present Constitution, it has been able to perform its intended purpose: to rebuild and strengthen the institutions of Philippine democracy in the shortest time possible after predominantly one-man rule. Let us go back to our history, let us know about it and learn from its lessons. In June 1986, the Constitutional Commission that drafted our present Charter convened for the first time. Its mission? “To hasten the return of normal constitutional government”.[1] Tungkulin ng Komisyong makabuo ng Saligang Batas nang sa gayo’y makapanumbalik ang ating bayan sa normal at demokratikong sitwasyon. The present Constitution guaranteed that no person can ever abuse the powers of government ever again, mandated safeguards and institutions to eradicate graft and corruption, provided for a bill of rights that respected people’s freedoms and policy declarations that the State shall pursue to face the issues of economic development, poverty alleviation, labor, education, and the development of the country’s societal institutions.

Pero, marami nang mga suliraning kailangang harapin na wala pa naman dalawampu’t walong taon na ang nakakaraan. Nandyan ang globalisasyon at ASEAN integration at ang mga kahihinatnan nito, ang pagbabago sa klima ng mundo at ang mga sakunang dala nito (lalo na sa mga bansang gaya natin), at ang pang-aagaw ng ibang bayan sa ating lupain na nagaganap sa loob mismo ng ating bakuran. Patuloy din ang mga suliraning kinaharap noong panahong binubuo ang ating Konstitusyon: ang kahirapan at kagutuman, ang kawalan ng trabaho sa kabila ng paglago ng ekonomiya, ang paghahari ng sentro habang konting pansin lang ang nabibigay sa kanayunan, ang patuloy na pangingibabaw ng mga dinastiyang pulitikal sa halos lahat ng mga pulo ng ating bansa, at ang pagiging mailap ng kapayapaan para sa ating mga kapatid na Muslim, Kristiyano, at lumad o indigenous people sa Mindanao. Halimbawa, hahayaan ba nating masayang ang lahat ng pagsisikap para sa tunay na kapayapaan, dahil lamang hindi tugma sa ating kasalukuyang Konstitusyon ang pinapanukalang batas at pamahaalang parlamentaryo para sa Bangsamoro? It is precisely for our brothers and sisters that we must ensure legal technicalities or limitations will not interfere or thwart the road towards a just and lasting peace in our country.

Sabi nga ni retired Chief Justice Reynato Puno nang ilunsad ang Bagong Sistema, Bagong Pag-asa Movement noong isang buwan, “Para tayong nasa isang barko, isang barko na napakarami ng butas….[Tapalan man natin ang isang butas], kung hindi natin tatapalan ang iba pa, lulubog at lulubog po ang barko—at iyan po ang bayan natin.”[2] Nais ko pong dagdagan ang ginamit niyang analohiya. Iba na ang uri at lakas ng mga along humahampas sa barko ng ating bayan sa kasalukuyan sa mga alon ng lumipas na panahon. Nararapat na marahil pagtibayin ang ating barko gamit ang ibang materyal, o kaya’y gumawa ng panibagong barko, para harapin ang mga alon at makarating sa nais nating mapuntahan bilang isang lahi, bilang isang bansa. Magagawa lamang ito kung mag-aambag ang lahat ng Pilipino, kung makikilahok tayo at ang ating mga pinuno sa paghuhulma at pagpapatibay ng bagong kasunduan, ng Covenant.

We have already put into place multiple solutions, all the while mindful of the limits in our Charter. We have already persevered through our belief in the Creator and our hard work. In the face of adversity, we have held our ground countless times. Sabi nga pagkatapos ng bagyo, the Filipino spirit is waterproof. But until when and how far ahead can our resilience take us?

The Constitution must not be seen as a straitjacket. Rather, it must be allowed to evolve and be of service to the issues and challenges confronting the present. Kailangan nitong magbago upang makasunod tayong Pilipino sa panahon. Kung hindi, mawawalan lamang ito ng saysay, at mawawalan ng saysay ang lahat ng pinaplanong hakbang para mapaunlad ang ating bayan at lipunan. If a Constitutional Convention and a revision of the Constitution are the steps necessary toward finally addressing many of the country’s long-running ills, then let us not hesitate to call for it. Hindi na pwede ang “pwede na”.

Now that the summit has shown us that the time is ripe for a Constitutional Convention, it’s time I talk about the role the youth will and must play in sounding for its need and in the Convention itself. Why the youth? The reason is simple. There is a need to infuse fresh blood, young heart, and new perspectives to our system. Where else do we start but on the roots? Saan tayo magsisimula kung hindi sa mismong ugat?

Ano ba ang responsibilidad nating kabataan? Balikan ulit natin ang kasaysayan. For the longest time, attempts of changing the Constitution have been feared. Baka daw magamit para pahabain ang pananatili sa kapangyarihan ng sinumang namumuno sa pamahalaan. But, there is nothing to fear, as long as the new Constitution is drafted properly and with no selfish intentions, obvious or hidden. Thus, we, the youth, have the responsibility of safeguarding the integrity of the proceedings. We must ensure that genuine debate takes place on the halls of the Convention, and not railroading or the prevalence of interests other than that of the people as a whole.

But procedure must be followed by substance. Abutin natin ang kapwa mga Pilipino sa buong kapuluan, mula Batanes at Tawi-Tawi. Hingin at pakinggan natin ang kanilang mga hinaing at hangad na maginhawa, masagana, at mapayapang buhay. At siguraduhin nating makakarating ang kanilang tinig sa mga bubuo sa ating Saligang Batas. Ito na ang pagkakataon. O mas maganda pa, tulungan natin silang maparating mismo sa ating mga pinuno at sa mga gagawa ng ating bagong Saligang Batas ang kanilang sitwasyon at kahilingan. We must transcend our limitations, know about our countrymen, speak out, and be heard.

There have been many debates for the past few hours, and let’s admit it for the past few years, about the seven-point plan: restructuring government, distributing powers, reforming the electoral system, broadening the inclusiveness of growth, promoting social equity and equality, strengthening accountability and integrity, and safeguarding territorial integrity and peace and order. All discussions have yielded various insights and solutions that merit further study and debate. Maybe changes in our present electoral system will lead to opening up the venues of power for those who do not have the family or star-quality names or resources but have the best intentions and best actions for the good of our people. Perhaps the reforms can go hand in hand with each other. Maybe a change in the system and distribution of powers will lead to a more responsive government, speeding much needed social services, finally strengthening the periphery or the rural areas, and weeding out corruption and patronage once and for all.

Although I feel strongly in favor of certain features for the new fundamental law of the land, I cannot impose what the youth as a whole and what 100 million Filipinos should think and accept is necessary. Wala po sa kamay ng iisang o iilang tao, o sa iisa o iilang pamilya lamang ang mga sagot sa mga hamon sa  Pilipinas. Pero ano ba ng mga hamon natin? Paano ba natin sila masosolusyonan? Masasagot lamang natin ang mga tanong na ito kung makikilahok ang bawat Pilipino. Binanggit ko na kanina ang malalaking isyu, pero hindi lang iyan. Napakarami pang mga problema na naghihintay lang na mabigyang-pansin, mapagkabit-kabit, at mabigyang-tugon. Hindi dapat maging hadlang ang ating edad, pinagmulan, napag-aralan, at katayuan sa buhay sa pagbabalangkas ng panibagong Konstitusyon na magiging malaking hakbang para matugunan ang mga hinaing at adhikain ng bayan.

It must be the duty of each Filipino to think, to study, to propose, and to fight for the constitutional reforms they believe would be for the betterment of the Philippines in the long term.

Huwag nating hayaan ang pagkakataong ito na lumipas, habang busilak ang intensyon ng mga tumatawag ng pagbabago, habang wala naman sa kanila ang naghahangad ng kapangyarihan sa susunod na halalan. Bagkus, pang-matagalan at para sa lahat ng Pilipino ang kanilang pinaninidigan at pinaglalaban.

Tayo na kabataan! Tayo na mga Pilipino, yakapin ang kinabukasang para sa atin at mga susunod na salinlahi. Ialay natin ang ating dunong, galing, at higit sa lahat, dangal. Mabuhay at maraming salamat!

[1] http://www.gov.ph/1986/03/25/proclamation-no-3-s-1986-2/

[2] Read here.

On Peace and the Bangsamoro – How the UP Graduate Can Advocate for Peace and Excellence

Author’s note: I am gradually posting all the speeches I had the opportunity to deliver in various events from the first half of 2015. This was the most difficult speech I had to deliver.

Theme: How the UP Graduate Can Advocate for Peace and Excellence

Joint convocation of the three honor societies of the University of the Philippines: Phi Kappa Phi, Phi Sigma, and Pi Gamma Mu

Delivered in behalf of Phi Kappa Phi

20 April 2015

(Non-verbatim transcript)

Sa mga opisyal ng mga honor society na narito ngayon: ang Phi Kappa Phi, Pi Gamma Mu, at Phi Sigma, sa iba pang mga tagapagsalita at opisyal ng Unibersidad ng Pilipinas, at sa aking kapwa mga mag-aaral na binibigyang-pugay ngayon, magandang hapon sa inyong lahat! Sumaatin nawa ang kapayapaan at pagpapala ng Mapagmahal na Panginoon.

Dalawang buwan na lang mula ngayon, makakamit na natin ang ating pinag-sumikapan at pinaghirapan sa loob ng siguro’y higit pa sa apat o limang taon dito sa kolehiyo. Sa wakas, maisusuot na natin ang sablay, makakapagpa-picture na tayo kasama ang Oblation at mga sunflower, at masasabi natin sa ating sarili: “I survived UP!”

Subalit, kasabay ng ating pagtatapos ang paglisan mula sa Unibersidad ng Pilipinas at pagharap sa panibagong hamon ng buhay. Marami sa atin ang kailangan nang magtrabaho nang full-time para makatulong sa mga gastusin sa pamilya at makapag-ipon. Patuloy namang mag-aaral ang iba sa atin sa mas mataas na antas o kurso tulad ng medisina, abogasya, edukasyon, siyensya, pamamahala, atbp. Pinapangarap natin ngayon, na sa pagdaan ng panahon, matatamo natin ang mga personal at propesyunal na layunin, ang kagustuhan ng ating mga mahal sa buhay, at ang ating mga adhikain para sa bayan at sa ating mga kababayan. Sa puntong ito, hawak natin ang ating kapalaran. Tayo ang susulat sa mga pahina ng ating kwento. Nasa kamay natin kung ipagpapatuloy man o hindi ang tagumpay na ating natatamasa ngayon.

Sa lahat ng ating gagawin, ipagpatuloy natin ang tradisyon ng dunong at galing. Paghusayan natin sa anumang karera na ating papasukin. Pero kailangan ay hindi lang galing sa isip, kundi galing din sa budhi o konsensiya. Ngayon pa lang, tinitingala na tayo bilang susunod na mga lider ng ating henerasyon. Paano pa kaya kung ipinagkatiwala sa atin ang kapangyarihang pamunuan ang ating bayan? Mahalagang tanggapin natin ang hamong maging tapat na lingkod sa lahat ng mga Pilipino. Nasa pamahalaan man tayo o hindi, tutulan at iwasan natin nang walang pag-alinlangan ang mga gawing tinutuligsa natin ngayon. Huwag tayong matakot na ibalita ang mga mali sa sistema. Tandaan na dala natin hindi lang ang sariling pangalan kundi pati ang pangalan ng ating minamahal na Unibersidad ng Pilipinas.

Matatayog pa ang ating mga pangarap. Sa pagsuot ng ating sablay at sa pag-abot sa atin ng ating mga diploma, palapit na tayo ng palapit sa mga pangarap na dati’y hinuhulma lamang natin sa ating mga isipan. Mas maliwanag na para sa atin ang tatahaking landas.

Subalit, para sa marami sa ating mga kababayan, nagdilim na ang daan tungo sa hinahararap.  Kasama po diyan ang ating mga kababayang nasasadlak sa kahirapan. Hindi na nila kayang tustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan at ang pagtaguyod sa kinabukasan ng kanilang mga anak. Paano pa kaya kung araw-araw kinakatakot nilang mawawasak na ang mundong kanilang kinagisnan? Kung saan hindi sila makabalik sa kanilang mga tahanan sa takot na baka malagay sa panganib ang kaligtasan nila at kanilang mga anak? Kinamkam na nga mula sa kanila ang pagkakataong mangarap at umunlad, pilit pang inaagaw sa kanila ang pagkakataon tungo sa kapayapaan.

Noong 2012, lumagda ang pamahalaan at ang Moro Islamic Liberation Front o MILF sa Framework Agreement on the Bangsamoro, na sinundan pa ng ibang mga kasunduan, kabilang na ang para sa decommissioning o pagbubuwag sa hukbo ng MILF noong Enero 2014. Tila abot-kamay na ang kapayapaan nang mangyari ang trahedya sa Mamasapano. Simula noon, nagkaroon na ng pag-aalinlangan sa pinapanukalang Bangsamoro Basic Law at sa bisa ng prosesong pangkapayapaan. Ang ilan nga sa ating mga namumuno, tila ginagamit ang kawalan raw ng tiwala at ang paggamit ni Ginoong Mohagher Iqbal chief negotiator ng MILF ng alias o ibang pagkakakilanlan para buwagin na ang kasunduan. Oo, dapat may managot sa pagkamatay ng 44 kasapi ng PNP Special Action Force at sa iba pang mga biktima ng diumano’y “misencounter” noong Enero 25, 2015. Pero kailangan bang madiskaril ang prosesong pangkapayapaan dahil dito? Ano ang magiging resulta kung babalik ang lahat sa all-out war? Walang mananalo, sa halip, talo tayong lahat: ang mga kababayan nating Moro, mga Kristiyano, at mga lumad sa Mindanao at lahat ng Pilipino, pati tayong naririto ngayon. Hindi makakamit ang kapayapaan gamit ang karahasan; bagkus, sasapit lamang ito sa pamamgitan ng pang-unawa.

Mga kapwa kamag-aral, laban rin natin ang pagsisikap ng ating mga kababayang nasasadlak sa kaguluhan na manatiling buhay sa kabila ng karahasan at digmaan. May paniniwala ang ating mga kababayang Aeta na hindi mo pwedeng sabihing gumiginhawa ang buhay mo kung nakikita mong nahihirapan ang iyong kapwa. Pero hindi pa huli ang lahat. May magagawa tayo. Tila imposible, lalo na’t bata pa lang tayo. Sabi nga ng mga nakatatanda, sila pabalik na habang tayo’y papunta pa lang. Pinalad tayong makapagtapos mula sa pinakaprestihiyosong unibersidad sa buong Pilipinas. Maraming bintana ng oportunidad ang bukas sa atin, at mataas ang pagkakataong makamit natin ang minimithing tagumpay. Pero kaakibat ng pagiging UP graduate, responsibilidad nating ipagalaban ang karapatan ng ating mga kababayan tungo sa ligtas at maginhawang kinabukasan. Nasa ating mga kamay na palawakin ang kanilang mga opsyon tungo sa mas maunlad na buhay.  Bilang iskolar ng bayan, ipinagkatiwala sa atin ang kapangyarihan  para makisangkot sa prosesong pangkapayapaan, para maiparinig sa ating mga pinuno ang pagtutol sa patuloy na paghahari ng lagim, at para itaguyod ang tunay na tiwala at kooperasyon tungo sa kapayapaan at kaunlaran.

Nagawa nga nating higitan pa ang ating mga hangganan at limitasyon habang tayo’y nasa loob ng Unibersidad. Ngayon naman, higitan natin ang ating magagawa para sa Pilipinas, tungo sa kabutihan, kapayapaan, katarungan, at kaunlaran. Ano pa’t tinawag tayong Iskolar ng Bayan kung hindi natin pagsisilbihan ang mga mamamayang naging dahilan kung bakit tayo narito lahat ngayon? Itaguyod natin sa ating personal at propesyunal na buhay ang pagtatayo ng mapayapa at sumusulong na lipunan, kung saan maaari nating makamit ang ating mga personal na pangarap at maaari ring makamit ng mga kababayan nating nasasadlak sa kaguluhan ang kanilang mga adhikain. Mga kapwa kong magsisipagtapos, iparinig natin ang ating mga tinig. Ipaglaban natin ang kasunduang pangkapayapaan tungo sa katarungan, tungo sa kaunlaran!

Wika nga ni Bb. Norombai Utto, nagtapos na valedictorian sa Hji. Salik National High School sa Mamasapano, Maguindanao, gawin nating pundasyon ang kaalaman at karunungan para sa kapayapaan ng ating bayan. Tulungan nating bigyan ng pagkakataon ang mga tulad niya para sa maginhawa at maliwanag na kinabukasan. Dahil karapatan nang bawat isa sa atin ang mamuhay nang malaya at mapayapa ano man ang ating paniniwala. Noong isang taon, isa ako sa inatasan sa induction ng Phi Kappa Phi na sindihan ang kandila na sumisimbolo sa pagkakaisa. Ngayon at sa hinaharap, sama-sama nating sindihan ang ilaw tungo sa pagkakaisa at kapayapaan hindi lamang para sa iilan kundi para sa buong sambayanan.

Maraming salamat po sa tiwalang ibinigay niyo sa akin na makapagsalita ngayong hapon at sa inyong pakikinig. Nawa’y isabuhay natin ang kabutihan at kapayapaan! Mabuhay tayong lahat!

Further reading:

* Framework Agreement on the Bangsamoro including links to annexes, 2012

House Bill No. 5811, substitute bill of House Bill No. 4994 (draft Bangsamoro Basic Law) in the House of Representatives

* GMA News (Marrian Ching), “Valedictorian from Mamasapano tearfully pleads: Invest in education, not war“, 30 March 2015

Talumpati sa Pagtatapos ng Internship sa Presidential Management Staff

IMG_20140530_180455

Impresyon tungkol sa Youth Internship Program ng Presidential Management Staff (PMS)

30 Mayo 2014, 8th Floor Function Room, PMS Building, Manila

Assistant Secretary Guillerma Flores, Chief of Staff Atty. Nancy Fajardo, Director Susan Solo at Assistant Director Atty. Wilburn Tan ng HRDPS, mga opisyal at empleyado ng PMS, at kapwa kong mga intern na nagsilbing mga lingkod-bayan sa loob ng dalawang buwan.

Magandang hapon po. Sa kalahati sa atin, ngayon nagtatapos ang ating paglilingkod sa Presidential Management Staff (PMS). Sa mga magpapatuloy hanggang sa gitna ng Hunyo (o Hulyo pa nga yata), ito na ang huling pagkakataong sama-sama tayong lahat.

Iba’t iba ang naging dahilan natin sa pagpasok sa PMS: para sa kurso, para kumita, para maiba ang bakasyon, o para lang lumayo sa nagbabagang init. Hayaan niyong ibahagi ko ang aking nalaman sa loob ng halos dalawang buwan dito.

Sa totoo lang, hindi ako sanay mag-cram sa paaralan. Pagkaabot pa lang ng propesor ng course syllabus, sinisimulan ko na agad ang huling asignatura para sa isang subject. Pero sa PMS, sa Economic Policy Office (EPO), napilitan akong magtrabaho sa loob ng kaunting oras lamang. Mahirap, lalo pa’t kailangang siguraduhing walang mali ang trabaho. Kailangan ang masinsinang pagsisiyasat sa mga dokumento. Dapat tama ang mga impormasyong nilalaman. Natutunan ko hindi lang ang kahalagahan ng pagtatrabaho nang mabilis, ngunit pati na rin ang pagiging metikuloso at maingat upang makamit ang kahusayan.

Magaan sa pakiramdam tuwing naaprubahan ang aming trabaho. Galak at puri naman ang aking nadama kapag napapasama ito sa mga talumpati ng ating mahal na Pangulo. Ang mga munting tagumpay na ito ang nagtulak sa akin na mas paghusayan pa ang aking trabaho.

Sa halos dalawang buwan kong pagbibigay serbisyo sa PMS, sa EPO, nabuksan ako sa isang mundong dati ko lamang pinapangarap. Nasubukan ang aking mga kakayahan na noo’y ginagamit ko lamang sa paaralan. Napagtagumpayan ko ang mga maliliit na hamong aking napagdaanan. Hindi po ito sa pagmamayabang dahil hindi ko naman po madadaig ang pagsubok na iyon kung hindi dahil sa suporta at pagkakaibigang binigay ninyo sa akin. Nagpapasalamat ako dahil kahit sa maikling panahon na ako’y narito, nakatagpo ako ng mga taong nagturo sa akin ng halaga ng pagtutulungan at pagsasamahan, hindi lamang sa loob ng opisina, kundi pati sa labas nito.

Mga kapwa kong intern, sama-samang tayong magpasalamat. Tayo po’y magsitayo. Sa PMS, sa ating mga naging superyor, mga kasamahan sa opisina, sa Human Resources Development and Planning Service (HRDPS), maraming salamat po. Kung hindi dahil sa inyong gabay, hindi namin mapapagtagumpayan ang mga tungkuling iniatang niyo at ng taong-bayan sa amin. Salamat po sa tiwala. Palakpakan po natin sila. Itaas natin ang ating kanang kamay at alayan sila ng “Mabuhay!”

Aalis tayong bitbit ang mga aral ng paglilingkod hindi lamang sa Tanggapan ng Pangulo (the Presidency) kundi sa bayang Pilipino. Mga aral na sana’y hindi lang sa eskwela at sa trabaho natin magagamit, kundi sa pang-araw-araw na buhay: sa pakikitungo sa ating pamilya’t mga tunay na kaibigan, at sa pagtahak sa malinis at tuwid na buhay.

Salamat po sa inyo at mabuhay tayong lahat!

BPI Expat Pinoy Children Acceptance Speech

DSC_1719

Acceptance Speech During the Awarding Ceremony for the 2013 Bank of the Philippine Islands’ Search for the Ten Outstanding Expat Pinoy Children

Makati City, Philippines

December 2, 2013

Non-verbatim transcript

Officials and employees of Bank of the Philippine Islands, our esteemed government officials,  our beloved parents and relatives, our dear mentors and school officials, fellow awardees, ladies and gentlemen, magandang araw po sa inyong lahat.

If you had told me only a few months ago that I would be delivering this acceptance speech, let alone that I would be one of this year’s Ten Outstanding Expat Pinoy Children, I would not have believed you. In fact, before summer this year, I had not heard about this award. It was my father who first told me about it and encouraged me to join.

Isang OFW po ang aking ama. Dalawampung taon na rin nagtatrabaho si Daddy sa ibang bansa. Nakapagtrabaho siya sa United Arab Emirates bago pa man siya na-destino sa Saudi Arabia. Sumunod siya sa yapak ng kanyang ama, ng aking Lolo Domeng, na nagtrabaho rin sa gitna ng disyerto. Inaamin ko po, na may hinanakit ako sa kanya. Halos wala kasi siya sa aking pagkabata. Lumaki akong wala siya para turuan akong lumangoy, magbisikleta, at manligaw. Sinubukan naman niyang magkasama-sama kami nang higit pa sa isang tag-init: noong sampung taong gulang ako, dinala niya ang aming pamilya sa Saudi Arabia. Pero bumalik ulit kami sa Pilipinas pagkatapos ng dalawang taon.

Tila napakalayo ng aking damdamin sa kanya. Natakot ako sa kanya; marahil dahil hindi ko alam kung ano ang kanyang gusto sa kanyang mga anak. Pero sinusubukan kong gumawa ng tulay para kami’y magkaunawaan.

Ngayon, pati ang aking ina’y kasama na niyang naghahanap-buhay sa Saudi Arabia. Binitawan ni Mama ang pagiging propesor at ang pagtapos ng kanyang Masteral degree dito para magsilbing guro sa mga banyagang nasa elementarya at sekundarya. Di katulad ni Daddy, mas matagal nananatili si Mama dito sa Pilipinas. Pero pagkalipas ng tatlo o apat na buwan, kailangan na niyang bumalik sa Arabya. Naiwan ako at ang aking kapatid sa piling at gabay ng aking Lola Juling, ang ina ng aking ina.

Alam kong ayaw nilang lumaki kami nang wala sila. Subalit, alam kong kinabukasan rin namin ang kanilang pinagsusumikapan. Kaya’t gusto kong suklian ang pagmamahal ni Daddy at Mama para sa amin.

I wanted to bring them something that would recognize their hard work and sacrifice. My fellow awardees may have different sentiments, but I believe this award is not for me, this is for my Daddy and Mama. To Bank of the Philippine Islands and all those behind the Ten Outstanding Expat Pinoy Children Award, thank you for recognizing the talent, skills and dedication of children of OFWs like me and by extension, of our parents. Let us give them a round of applause.

Higit sa lahat, purihin at pasalamatan natin ang Panginoong Maykapal, sa mga biyayang natatanggap natin sa bawat araw. Sa Kanya, walang imposible.

To our government officials and agencies, thank you for ensuring and defending the rights of OFWs and their families. Please continue to do so. Let us also give them our applause.

Sa ating mga propesor at mga opisyal ng ating mga kolehiyo at unibersidad, salamat po hindi lang sa mga kaalamang maghahanda sa amin sa papasukin naming karera at sa hamon ng buhay, kundi pati rin sa pagiging mga magulang namin sa paaralan. Alayan po natin sila ng masigabong palakpakan.

To our parents, grandparents, uncles, aunts, and siblings, we express our gratitude to you for being there for us, for acting as our fathers or mothers or even both. Thank you for raising, guiding, supporting, understanding us and keeping our feet on the ground. Let us give them a round of applause.

At sa ating mahal na ama’t ina, maraming salamat po sa inyo. Wala po kami rito ngayon kung hindi dahil sa inyo. Daddy, Tatay, Mommy, Mama, heto po kami, ang bunga ng inyong pagsisikap sa ibang bayan. Hayaan po ninyo, hindi namin kayo bibiguin. Patuloy naming hahasain at gagamitin ang aming talino’t talento para sa inyo, para sa ating pamilya, at para sa ating mga kababayan tungo sa kaunlaran. Palagi po sana niyong tatandaan na mahal na mahal namin kayo karagatan man ang mamagitan sa atin. Mananatili po kayong inspirasyon sa buhay naming tatahakin!

Mama, Daddy, para sa inyo po ito. Maraming salamat po. Mabuhay ang lahat ng mga OFW saan mang panig ng mundo! Mabuhay ang mga anak ng OFW!

Maraming salamat po at mabuhay tayong lahat.