Isang panawagan sa aking mga kapwa mag-aaral ng Public Administration

Kaklase noong high school: Emir, anong course mo?

Ako: BA Public Administration.

Kaklase: Ah – ano yun?

Hindi na bago ang mga ganitong sitwasyon sa akin. Lahat na lang ng mga nagtatanong nito – kamag-anak man, dating mga kaklase at mga guro, napapakunot na lang ang mga noo kapag sinasabi kong Public Administration (PA) ang kurso ko. Pati nga ngayon sa kolehiyo, may mga naging propesor ako na napagkakamalang ibang kurso ang kinukuha ko.

Aaminin ko, masasabi isang aksidente na napunta ako dito – kumbaga serendipity. Panahon ng pag-apply sa UPCAT, Mayo 2010. Naghahanap ako ng magandang pre-law course. (Gusto ko pang mag-law noon, ewan ko na lang ngayon.) Sabi ng mga tita ko na gradweyt ng Poltical Science sa UPD, huwag ko raw kunin yun dahil masyadong theoretical at analytical. Tinignan ni Mama ang listahan ng mga kurso. Nakita niya ang “BA Public Administration”.

“Tignan mo ito, public. Malapit na yan sa political.”

Pinahanap niya tuloy sa akin ang curriculum ng BAPA. Pahapyaw ko itong binasa. “Ayos naman pala ito eh.” Ginawa ko tuloy first choice ang PA at second choice ang PolSci.

Hindi ko pinagsisishang ginawa ko yun. Maganda naman talaga ang PA, multidisciplinary siya at maraming career choices (tignan ang post na ito ni Kuya Paul Eugenio sa kanyang blog). Pero hindi siya ganoon kakilala, kahit sa loob ng UP Diliman, maliban na lang siguro sa mga shiftee at mga transferreeMay binabalak nga na caravan ang isa sa mga student organization para ipakilala ang PA sa mga incoming seniors na kukuha ng UPCAT at iba pang mga entrance exam.

Pero naniniwala akong hindi muna ito ang dapat gawin. Bago tayo mang-enganyo ng mga taga-labas, hikayatin muna natin ang mga kasalukuyang mag-aaral ng PA na isapuso ang pinakamithiin nito, “ang maglingkod sa sambayanan” at mahalin ang kurso. Oo, mahirap itong gawin, lalo na sa mga napilitan lang kumuha nito – sa mga mag-aaral na parang naging course of last resort ang PA.

Kailangan din nating maipakita na aktibo tayo hindi lang sa loob ng apat na sulok ng ating mga eskwelahan, kundi sa ating lipunan. Marahil ang pinakamahalagang aral na natutunan ko ngayong taon ay ang halaga ng volunteerism – ang paglalaan ng oras, pagod, at panahon sa pagtugon ng mga isyung kinakaharap ng ating bayan. Hindi lang naman nakakulong ang mga mag-aaral ng PA sa gobyerno. Marami rin ang sumasali sa mga non-government organization o NGO.

At sana’y para sa kabutihan ng lahat ang ating ipinaglalaban. Wala rin tayong magiging silbi kung magpapabihag tayo sa bulok na sistema’t mga tradisyon kung saan kaunti lang ang naghahari at nakikinabang.

Saan man tayo nag-aaralundergrad man tayo o graduate student at kahit ang mga nagsipagtapos na, sana’y magsilbi tayong mga kumukuha ng PA bilang sulong magliliwanag sa dilim. Let us pave the way so that others may follow.

Advertisements